Bilang Chairman ng Committee on Higher and Technical Education sa Kongreso, ako ay nakikiisa sa inyong panawagang maging prioridad ng gobyerno ang edukasyon. Higit sa salita, gusto nating makita itong maisagawa sa pamamagitan ng paglaan ng mas malaking pondo para sa pag-aaral ninyong mga kabataan. Masaya ako dahil sa natapos na budget hearing sa Kongreso noong nakaraang linggo, naipasa ang mas malaking budget ng DepEd at ng CHED. Ngunit, hindi lubos ang aking kasiyahan dahil bumaba naman ang budget para sa mga state colleges and universities. Malaki ang papel ng ating mga SUC’s bilang tagasulong sa pag-unlad ng bawat rehiyon at ng buong bansa. Kung kaya’t, dapat tumbasan ng karampatang pondo ang kanilang mga pangagailangan, lalo na sa mga maliliit na mga kolehiyo sa malalayong probinsya. Kailangan ng mga ito ng tulong, mula sa pamahalaan at sa ibang SUCs, sa pag- set up ng research, training at facilities, lalong-lalo na ng dagdag na pondo upang sila’y maging independent and self-sufficient. Nasa edukasyon ang susi ng ating pag-unlad. At sa pag-unlad ng mga SUCs ay tiyak na makakatulong sa pag-unlad ng komunidad na kinabibilangan nito. Taun-taon lumalaki ang bilang ng ating mga estudyante, kaya’t dapat gayundin ang budget ng ating SUCs. Tayo ay umaasang mapakinggan upang mabago ang ganitong sitwasyon.
Bilang isang nagtapos sa pinakamagandang unibersidad sa Pilipinas, at miyembro ng UP Board of Regents, alam kong malaki ang tungkulin ng gobyerno na suportahan ang UP. Sa ating mga kabataang mula sa probinsya at kulang sa kakayahang pinansiyal, ngunit may angking talino, UP ang sagot sa kanilang pangarap na libreng pag-aaral sa kolehiyo. UP ang pag-asa nila at ng kanilang pamilya para sa mas magandang kinabukasan. Nakakalungkot isipin na sa pagkaltas ng budget sa UP, para na rin nating isinasara ang pinto sa mga kabataang umaasang makatanggap ng mura, ngunit de kalidad na edukasyon.
Kung kaya’t ipinapaabot ko ang aking taos na pakikiisa sa inyo, kayong mga magigiting na kapwa kong Iskolar ng Bayan. Kasama si Student Regent Krissy Conti, asahan ninyong kasama ninyo ako sa pagtataguyod ng edukasyon para sa ating bayan.